Mahigit 170 OFWs, Ligtas na Nakarating sa Riyadh para sa Repatriation

Nakarating na sa Riyadh, Saudi Arabia ang kabuuang 179 Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa Bahrain at Kuwait bilang bahagi ng patuloy na repatriation efforts ng pamahalaan sa gitna ng kasalukuyang sitwasyon sa rehiyon.

Ayon sa ulat, 80 OFWs mula Bahrain at 99 OFWs mula Kuwait ang ligtas na nakarating sa Riyadh, kung saan sila ay kasalukuyang inihahanda para sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas.

Personal na pinangasiwaan ni OWWA Administrator Patricia Yvonne “PY” Caunan ang pagtanggap sa mga OFW, kasama ang Rapid Response Team ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), upang tiyakin ang maayos, mabilis, at ligtas na proseso ng repatriation. Ang operasyon ay isinasagawa alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mabigyan ng agarang tulong at ligtas na pag-uwi ang mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa.

Bukod sa mga dumating na OFWs, inaasahan din ang pagdating ng mga manggagawa mula Qatar, na kasalukuyang inaasikaso ng Department of Migrant Workers (DMW) at OWWA team para maisama sa repatriation ngayong araw.

Ang pagdating ng mga OFW sa Riyadh ay bahagi ng paghahanda para sa ikaapat na government-chartered flight. Ito rin ang ikalawang chartered flight na inorganisa ng OWWA, na nakatakdang lumipad ngayong Lunes pabalik ng Pilipinas.

Sa kauna-unahang pagkakataon, pagsasama-samahin sa iisang flight ang mga OFW mula sa Kuwait, Qatar, Bahrain, at Saudi Arabia bilang bahagi ng mas pinalakas na repatriation operations ng pamahalaan.

Patuloy namang tinututukan ng mga ahensya ng gobyerno ang pagproseso ng dokumento at visa, transportasyon sa lupa at himpapawid, accommodation, at iba pang pangangailangan upang masigurong maayos at ligtas ang bawat hakbang ng kanilang pag-uwi.

Nanatiling pangunahing layunin ng operasyon ang kaligtasan at kapakanan ng mga OFW, at ang kanilang ligtas na pagbabalik sa piling ng kanilang mga pamilya sa Pilipinas.

Para sa mga kababayan sa Kuwait na gusto magparepat, maaring sagutin lamang ang form na ito OWO-KUWAIT REQUEST FOR ASSISTANCE

Related Posts

What Can You Say About This?

Comments

Add Comment