Mandaluyong City, Philippines — Naglabas ng opisyal na paalala ang Department of Migrant Workers (DMW) para sa lahat ng Overseas Filipino Workers (OFWs) at aplikante, hinggil sa kahalagahan ng tapat na pagdeklara ng kanilang civil status sa lahat ng dokumento at transaksyon kaugnay ng overseas employment.
Paalala Laban sa Maling Pagpapahayag
Ayon sa DMW, ang pagsusumite o paggamit ng maling impormasyon o dokumento sa anumang aplikasyon para sa trabaho sa abroad ay isang seryosong paglabag sa ilalim ng mga alituntunin ng DMW. Ang sinumang mapatunayang lumabag ay maaaring maharap sa kasong administratibo na maaaring magresulta sa suspensyon mula sa overseas employment program.
Kahulugan ng “Legally Separated” Ayon sa Batas
Ipinaliwanag din ng DMW na sa ilalim ng batas ng Pilipinas, ang terminong “legally separated” ay tumutukoy lamang sa isang civil status na opisyal na iginagawad ng korte sa pamamagitan ng court decree of legal separation.
Ang ganitong status ay:
-
Nagbibigay-daan sa mag-asawa na mamuhay nang hiwalay,
-
Hindi nagtatapos sa kasal na nananatiling balido,
-
Hindi nagbibigay pahintulot sa muling pagpapakasal maliban kung ang kasal ay na-annul o nideklarang walang bisa,
-
At maaaring tumalakay sa usapin ng property relations, support, at child custody.
Binigyang-diin din ng DMW na ang magkahiwalay na pamumuhay lamang (separated-in-fact) ay hindi katumbas ng pagiging “legally separated” kung walang pormal na hatol ng korte.
Mahalagang Paalala sa mga OFW
Mariing pinaaalalahanan ng DMW ang mga legally married OFWs na huwag ideklarang “single” o “separated” sa anumang dokumentong kanilang isusumite sa DMW kung wala silang opisyal na court decree na nagpapatunay sa nasabing katayuan.
Ang maling pagdeklara ng civil status ay itinuturing na misrepresentation at may kaukulang parusang administratibo.
Panawagan ng DMW sa Katapatan at Integridad
Nanawagan si DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac sa lahat ng OFWs na pairalin ang katapatan at integridad sa lahat ng kanilang pakikipagtransaksyon upang mapanatili ang proteksyon ng kanilang karapatan at kapakanan bilang mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.
Para sa Impormasyon at Patnubay
Hinihikayat ng DMW ang lahat ng OFWs na regular na sundan ang mga opisyal na advisory ng ahensya upang manatiling updated at gabayan sa tamang proseso ng kanilang mga dokumento at employment status.

Advisory Via DMW