MWO Kuwait Pinarangalan ang 3 Recruitment Agencies sa Pagsunod sa $500 Minimum Salary para sa Domestic Workers

Salmiya, Kuwait — Kinikilala ng Migrant Workers Office (MWO)–Kuwait ang tatlong Kuwait Recruitment Agencies (KRA) bilang nangunguna sa mahigpit na pagpapatupad ng itinakdang minimum monthly salary na USD 500 para sa mga Filipino domestic workers. Ginawaran ng Certificate of Appreciation ang Ali Adnan Alali Office, Al Darrah International Est., at Stars Group sa isang seremonya noong Disyembre 7, 2025 sa Dolphin Continental Hotel, Salmiya.

Photos by Department Migrant Workers

Ang pagkilalang ito ay alinsunod sa Labor Advisory No. 25, series of 2025, at Memorandum Circular No. 3, series of 2025 ng Department of Migrant Workers (DMW), na nagtatakda ng mas malinaw at mas makataong standards sa employment ng mga household service workers (HSWs) sa Kuwait. Nakapaloob dito ang minimum salary requirement, mas maayos na work conditions, at mas mataas na proteksyon para sa mga manggagawa.

Pinangunahan ang seremonya ni MWO Assistant Labor Attaché Sofia E. Matote, kasama sina Undersecretary Dominique Rubia-Tutay, Assistant Secretary Julyn Ambito-Fermin, at Assistant Secretary Venecio Legaspi mula sa DMW, bilang pagkilala sa tatlong KRA na nanguna sa pagsunod sa bagong polisiya.

Ayon sa MWO Kuwait, ang pagkilos ng mga ahensiya ay patunay na posible ang makabuluhang reporma kung may aktibong pakikipagtulungan ang recruitment sector, Philippine government, at employers. Ani nila, ang pagsunod ng mga ahensiyang ito ay nagbubukas ng pinto para sa mas ligtas, makatarungan, at mas maayos na pamumuhay ng libo-libong Filipino domestic workers sa bansa.

Binibigyang-diin ng MWO na ang naturang pagkilala ay hindi lamang parangal, kundi isang malinaw na mensahe: ang mga ahensiyang nagbibigay ng tamang sahod at maayos na trato ay nararapat tangkilikin at tularan. Umaasa rin ang DMW na mas marami pang recruitment agencies ang magpapatupad ng parehong pamantayan sa mga darating na buwan.

Sa pagpapatupad ng USD 500 minimum wage, umaasa ang pamahalaan ng Pilipinas na masisiguro ang mas matatag na proteksyon at mas mataas na dignidad para sa mga manggagawang Pilipino sa Kuwait.

Related Posts

What Can You Say About This?

Comments

Add Comment