Dumating na sa Pilipinas ang labi ni overseas Filipino worker (OFW) caregiver Mary Ann De Vera, na nasawi sa isang missile attack sa Tel Aviv, Israel.
Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), dumating ang labi ni De Vera sa bansa bandang 4:30 ng umaga noong Sabado, Marso 14. Sinalubong ito ng kanyang asawa na si Bernie Lavarias, kasama ang ilang opisyal ng pamahalaan at mga kinatawan mula sa diplomatic community.
Kabilang sa sumalubong sa kanyang mga labi sina OWWA Administrator Patricia Yvonne “PY” Caunan, Israel Ambassador to the Philippines H.E. Dana Kursh, at AGIMAT Partylist Representative Bryan Revilla. Naroon din ang ilang opisyal ng Department of Migrant Workers (DMW) na sina Undersecretaries Barnard Olalia, Felicitas Bay, at Dominique Rubia-Tutay upang magpahayag ng pakikiramay at tiyakin ang agarang tulong sa pamilya ng nasawing OFW.
RELATED STORY : Filipina Caregiver Killed in Tel Aviv Strike Identified as Mary Anne Velasquez de Vera
Matapos ang pagdating sa Maynila, pinangasiwaan ng OWWA at DMW Region 1 ang paglipat ng mga labi ni De Vera patungo sa kanyang pamilya sa Pangasinan.
Nasawi si De Vera noong Pebrero matapos tamaan ng debris nang sumabog ang missile na tumama sa gusali ng kanyang apartment sa Tel Aviv.
Sa isang joint House hearing kamakailan, sinabi ni Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola na nakipag-ugnayan ang pamahalaan sa Israeli government upang mapabilis ang pag-uwi ng mga labi ni De Vera sa Pilipinas.
Samantala, personal ding nakipagpulong si Israeli President Isaac Herzog sa asawa ni De Vera upang ipaabot ang kanyang pakikiramay. Tiniyak din ng Israeli government na makatatanggap si Lavarias ng agarang tulong pinansyal, kabilang ang buwanang stipend mula sa kanilang national insurance system.
Patuloy namang nakatutok ang mga ahensya ng pamahalaan sa pagbibigay ng suporta at tulong sa pamilya ng nasawing OFW.





