DMW Chief Cacdac: Arnell Ignacio, Tinanggal sa OWWA Dahil sa Kawalan ng Tiwala

Maynila – Inihayag ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na hindi boluntaryong nagbitiw si dating OWWA Administrator Arnell Ignacio kundi tinanggal ito sa puwesto dahil sa pagkawala ng tiwala at kumpiyansa kaugnay ng umano’y maanomalyang P1.4 bilyong land acquisition deal.

Ayon kay Cacdac sa panayam ng GMA News, ang nasabing proyekto ay hindi dumaan sa approval ng OWWA Board of Trustees, na isang paglabag sa umiiral na batas.

“Hindi siya nag-resign. Siya ay tinanggal at pinalitan dahil sa kawalan ng tiwala at kumpiyansa, kaugnay ng anomalya sa P1.4 bilyong land acquisition deal na hindi inaprubahan ng OWWA Board sa anim na pagkakataon,” ani Cacdac.

Ang naturang lupain ay balak gamitin para sa tirahan ng mga OFW, pero ayon kay Cacdac, hindi ito kinakailangan at mas mainam kung ang private sector ang tumugon sa naturang pangangailangan.

“Dapat kinonsulta muna niya ang OWWA Board. Ako mismo, pagsasabihan ko siya na hindi ‘yun kailangan dahil kaya naman ng private sector ang mga accommodation para sa mga OFW,” dagdag pa niya.

Inilahad din ni Cacdac na nagsimula ang plano noong Setyembre 2023, at ang aktwal na pagbili ng lupa ay ginawa noong Setyembre 2024.

Nang tanungin kung may kasong isasampa laban kay Ignacio, kinumpirma ito ni Cacdac:

“Oo. Iniulat ko ito sa Pangulo at oo, may kaukulang kasong isasampa sa tamang ahensya o opisina,” sabi pa ng kalihim.

Pinalitan si Ignacio ni DMW Undersecretary Patricia Yvonne Caunan bilang bagong OWWA Administrator.

Patuloy naming hihintayin ang pahayag ni Arnell Ignacio hinggil sa isyu, at agad naming ilalathala kapag ito ay magbigay-komento.

Related Posts

What Can You Say About This?

Comments

Add Comment