Nilinaw ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na totoo at umiiral ang rebate program para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na matagal nang miyembro ng ahensiya ngunit hindi pa nakakatanggap ng anumang benepisyo mula rito.
Ayon kay OWWA Administrator PY Caunan, ang programa ay para sa mga OFW na sampung (10) taon o higit pa ang pagiging OWWA member at hindi pa nakinabang sa alinmang programa, serbisyo, o tulong ng ahensiya. Nilinaw ito ng OWWA matapos kumalat sa social media ang mga post na nagdududa sa pagiging lehitimo ng rebate program.
Ipinaliwanag ni Caunan na ang rebate ay alinsunod sa Republic Act No. 10801 o OWWA Act, na nagbibigay-daan upang maibalik ang porsiyento ng kabuuang kontribusyon ng isang kwalipikadong OFW.
Halaga ng Rebate
Depende sa bilang ng OWWA contributions, ang maaaring matanggap na rebate ay nasa pagitan ng:
-
₱941 hanggang
-
₱13,177

Sino ang Maaaring Magproseso
-
Maaaring ang mismong OFW o ang kanyang pamilya ang mag-asikaso ng rebate.
-
Kung ang OFW ay nasa ibang bansa, may malubhang karamdaman, o pumanaw na, pinapayagan ang pamilya o legal na kinatawan na mag-apply.
Karagdagang Detalye sa OWWA Rebate Program
Ayon sa OWWA, malinaw na itinatadhana ng batas ang rebate program at may mga sumusunod na kundisyon:
-
Para sa mga OFW na naging OWWA member ng 10 taon o higit pa
-
Dapat ay may limang (5) OWWA contributions o higit pa
-
Hindi pa nakagamit ng anumang benepisyo o programa ng OWWA hanggang sa kasalukuyan
-
Ang halaga ng rebate ay ibinatay sa actuarial study, o pagsusuri ng mga eksperto sa kakayahan at pondo ng OWWA
-
Kinakailangang ang OFW ay may nakumpletong limang (5) kontribusyon bago o hanggang Disyembre 2017
-
Ang rebate program ay hindi refund at hindi cash back ng OWWA contribution, kundi porsiyentong ibinabalik alinsunod sa itinakda ng batas

Paano Mag-apply
Pinapayuhan ang mga interesadong aplikante na bumisita sa opisyal na website ng OWWA upang makita ang kumpletong requirements at proseso ng aplikasyon para sa rebate program.
Muling pinaalalahanan ng OWWA ang mga OFW at kanilang pamilya na maging mapanuri sa impormasyong kumakalat online, at tiyaking sa opisyal na sources lamang kumukuha ng detalye kaugnay ng mga programa at benepisyo ng ahensiya.
Panoorin ang video :





