Isang panukalang batas ang inihain ni Erwin Tulfo na layong magbigay ng interest-free loan sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs), lalo na sa mga first-time na aalis pa lamang ng bansa para magtrabaho.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1696 o “OFW Pre-Employment Loan Assistance Act,” maaaring makahiram ang isang OFW na may valid employment contract ng hanggang ₱100,000 upang tustusan ang kanilang pre-employment at pre-departure expenses.
Layunin ng Panukala
Ayon sa senador, maraming OFWs ang lumalapit sa kanilang Action Center upang humingi ng tulong pinansyal para sa mga kailangang bayaran bago makaalis ng bansa. Dahil sa kakulangan ng pondo, napipilitan umano ang ilan na umutang sa mga loan sharks na may mataas na interes.
Sa pamamagitan ng panukalang ito, layong mabigyan ang mga OFW ng ligtas at walang interes na alternatibong mapagkukunan ng pondo.
Mga Gastusing Saklaw ng Loan
Maaaring gamitin ang loan para sa mga sumusunod:
-
Placement fees
-
Medical examination
-
Training at assessment
-
Passport at visa processing
-
Airfare
-
Iba pang dokumentaryong requirements
Walang Interes sa Unang Taon
Nakasaad sa panukala na walang interes ang loan sa loob ng unang taon ng pagbabayad. Para masiguro ang pagbabayad, kinakailangang may isang kapamilya na magsisilbing co-borrower.
Para naman sa mga first-time OFWs, maaari nilang bayaran ang loan sa loob ng hanggang 18 buwan. Bibigyan din sila ng libreng financial literacy training bago sila lumipad, upang mas mapalakas ang kanilang kaalaman sa tamang paghawak ng pera habang nagtatrabaho sa abroad.
Mga Ahensyang Mamamahala
Kapag naisabatas, ang Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang inaasahang mangangasiwa sa implementasyon ng programa.
Sa kabuuan, layon ng panukala na mabawasan ang pinansyal na pasanin ng mga OFW bago pa man sila makapagsimulang kumita sa ibang bansa, at maiwasan ang pagkalubog nila sa utang na may mataas na interes. Via PhilStar





