Maynila — Pebrero 2. Mainit na tinanggap ni Raffy Tulfo, Chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers, ang courtesy visit ni His Excellency Meshari Yousef Muhammad Alnibari, Ambassador ng State of Kuwait sa Pilipinas, sa tanggapan ng Senado.
Sa pulong, sentrong paksa ang kalagayan ng tinatayang 220,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Kuwait at ang mga hakbang upang higit pang mapalakas ang ugnayan ng dalawang bansa. Iminungkahi ni Sen. Tulfo ang pagtaas ng minimum monthly wage sa USD 500 para sa Filipino domestic workers, alinsunod sa Labor Advisory ng Department of Migrant Workers. Ayon kay Ambassador Alnibari, kasalukuyang nasa USD 300–350 ang minimum wage, bagama’t may mga employer na nagbibigay na ng USD 400–500. Tiniyak niyang ipararating ito sa Kuwaiti government at dadaan sa tamang legislative process.
Iminungkahi rin ng senador ang mas mahigpit na screening ng mga Kuwaiti employer, katulad ng pre-deployment requirements ng mga domestic worker sa Pilipinas—kabilang ang physical, mental, at psychological examinations at pagsumite ng police at NBI clearances. Ayon sa ambassador, sinusuri na ito ng kanilang legal department.
Ibinahagi rin ni Sen. Tulfo ang mga ulat ukol sa hindi pagsunod sa kontrata, gaya ng pagkukumpiska ng pasaporte at mobile phone, pati ang mga hindi tugmang detalye sa trabaho—mula sa dami ng aalagaan hanggang sa aktuwal na laki o kondisyon ng tirahan. Bilang tugon, iminungkahi niya ang mandatory pre-employment video conference interview sa pagitan ng employer at OFW bago ang deployment upang masiguro ang malinaw na pagkakakilanlan at pagsunod sa kontrata.
Nilinaw ni Ambassador Alnibari na may opisyal na kasunduan na mula pa noong 2018 na mahigpit na nagbabawal sa pagkuha ng pasaporte ng OFWs ng mga employer, at iminungkahi ni Sen. Tulfo na ipaalam at ipatupad ito nang mas malawakan. Ayon sa ambassador, wala siyang objection sa mga mungkahi at pangakong pag-aaralan ang lahat.
Sa pagtatapos ng pulong, inimbitahan ni Ambassador Alnibari si Sen. Tulfo sa 65th National Day of Kuwait, na tinanggap naman ng senador. Nangako rin ang ambassador na kung magsasagawa ng opisyal na pagbisita sa Kuwait si Sen. Tulfo, personal niyang aayusin ang pakikipagpulong sa mga pinuno ng kanilang Ministries of Justice, Labor, at Foreign Affairs.
Source Raffy Tulfo In Action





