Mainit na sinalubong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na sakay ng ikaapat na chartered flight na dumating ngayong umaga, March 23, 2026, sa Villamor Airbase sa Pasay City.
Kasabay ng Pangulo sa pagtanggap ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na agad nagbigay ng kinakailangang tulong sa mga umuwing OFW. Kabilang dito ang pinansiyal na ayuda, serbisyong medikal, pansamantalang tirahan sa hotel, at transportasyon upang makabalik sila sa kani-kanilang mga probinsiya.
Lulan ng nasabing flight si OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan kasama ang kabuuang 317 OFWs at 26 na pamilya mula sa Bahrain, Kuwait, Qatar, at Saudi Arabia. Kusang-loob ang kanilang pag-uwi upang makasama ang kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas sa gitna ng umiiral na tensyon sa Gitnang Silangan.
Dumalo rin sa pagtanggap sina Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo J. Cacdac, Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, DOH Undersecretary Gloria Balboa, at mga kinatawan mula sa Office of the President, DOH, DMW, OWWA, DSWD, at Philippine Air Force.
Sa pamamagitan ng patuloy na koordinasyon ng whole-of-government approach, matagumpay na naitaguyod ang ligtas na repatriation ng kabuuang 1,763 OFWs at kanilang mga dependents na apektado ng kaguluhan sa Gitnang Silangan. Ito ay alinsunod sa direktiba ng Pangulo na paigtingin ang tulong, proteksyon, at kalinga para sa mga Bagong Bayani ng bansa.





