Pahayag ng DMW sa Kaso ng Pilipinong Domestic Worker sa Kuwait

Maynila, Pilipinas — Malungkot na kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) ang kalagayan ng isang Pilipinong domestic worker sa Kuwait na hinatulan ng kamatayan matapos masangkot sa pagkamatay ng anak ng kanyang employer.

Sa kanilang opisyal na pahayag, nagpahatid ng pakikiramay ang DMW sa pamilyang Kuwaiti sa kanilang pagkawala, kasabay ng pakikiramay din sa mabigat na pinagdaraanan ng nasabing OFW at ng kanyang pamilya.

Agarang Aksyon ng Pamahalaan

Mula nang lumabas ang insidente, agad na nagbigay ng legal at konsular na tulong ang DMW katuwang ang Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Philippine Embassy sa Kuwait.

  • May abogado na humahawak sa kaso at nakapaghain ng apela upang gamitin ang lahat ng legal na proseso sa ilalim ng batas ng Kuwait.

  • Patuloy na binabantayan ng Embahada ang sitwasyon upang matiyak na nirerespeto ang kanyang mga karapatan.

  • May nakahandang assistance para sa pamilya ng OFW upang masiguro na hindi madadamay ang kanyang mga anak sa kasong kinakaharap.

Related Story: Filipino Maid Sentenced to Death in Kuwait for Killing Kuwaiti Child

Paggalang at Pagtatanggol

Ipinahayag ng DMW na bagama’t iginagalang nila ang batas ng Kuwait, malinaw ang mandato ng pamahalaan na ipagtanggol ang karapatan at dignidad ng bawat Pilipino saan mang dako ng mundo.

“Hindi namin kayo iiwanan. Gumagawa kami ng lahat ng hakbang—legal, diplomatiko, at makatao—para matiyak na makakamtan ng ating kababayan ang patas at makatarungang paglilitis,” ayon sa ahensya.

Panawagan ng DMW

Nanawagan ang DMW ng pang-unawa at pagtitiwala mula sa publiko habang maingat at matatag nilang tinutulungan ang nasabing OFW sa kanyang laban. Idiniin din ng ahensya na ang kasong ito ay isang “isolated na pangyayari” at hindi sumasalamin sa pagkatao ng milyon-milyong OFW na kinikilala sa buong mundo dahil sa kanilang malasakit, sipag, puso, at propesyonalismo.

Pangako ng Serbisyo

Binigyang-diin ng DMW na sa lahat ng oras—tagumpay man o pagsubok—mananatili silang kasama ng bawat Pilipino.

“Mananatili kaming kumikilos nang may malasakit, talino, at tapang—para sa katarungan at kapakanan ng bawat Pilipino saanman sa mundo,” pagtatapos ng pahayag ng DMW.

Narito ang buong Pahayag : 

𝗣𝗮𝗵𝗮𝘆𝗮𝗴 𝗻𝗴 𝗗𝗲𝗽𝗮𝗿𝘁𝗺𝗲𝗻𝘁 𝗼𝗳 𝗠𝗶𝗴𝗿𝗮𝗻𝘁 𝗪𝗼𝗿𝗸𝗲𝗿𝘀 (𝗗𝗠𝗪) 𝘀𝗮 𝗞𝗮𝘀𝗼 𝗻𝗴 𝗜𝘀𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗶𝗹𝗶𝗽𝗶𝗻𝗼𝗻𝗴 𝗗𝗼𝗺𝗲𝘀𝘁𝗶𝗰 𝗪𝗼𝗿𝗸𝗲𝗿 𝘀𝗮 𝗞𝘂𝘄𝗮𝗶𝘁
Malungkot na ibinabahagi ng Department of Migrant Workers (DMW) ang balita tungkol sa ating kababayan sa Kuwait na hinatulan ng kamatayan matapos masangkot sa pagkamatay ng anak ng kanyang employer. Nakikiramay kami sa pamilyang Kuwaiti sa kanilang pagkawala, at kasabay nito ay nakikiramay kami sa mabigat na pinagdaraanan ng ating manggagawang Pilipino at ng kanyang pamilya.
Mula nang lumabas ang insidente, agad na nagbigay ng legal at konsular na tulong ang DMW kasama ang Department of Foreign Affairs at ang Philippine Embassy sa Kuwait. May abogado na humahawak sa kaso at ginagamit ang lahat ng legal na proseso sa ilalim ng batas ng Kuwait, kabilang ang pagsusumite ng apela. Patuloy ding binabantayan ng Embahada ang kanyang kalagayan upang matiyak na nirerespeto ang kanyang mga karapatan. May assistance din po kaming binibigay sa pamilya ng ating OFW, para masiguro po na hindi madadamay ang kanyang mga anak sa mga masakit na kaganapan.
Iginagalang natin ang batas ng Kuwait, ngunit malinaw ang mandato ng pamahalaan: ipagtanggol ang karapatan at dignidad ng bawat Pilipino saan man sila naroroon. Hindi namin kayo iiwanan. Gumagawa kami ng lahat ng hakbang—legal, diplomatiko, at makatao—para matiyak na makakamtan ng ating kababayan ang patas at makatarungang paglilitis.
Ramdam namin ang lungkot at bigat sa damdamin ng kasong ito. Kami ay humihiling lang po ng pang-unawa at pagtitiwala habang maingat at matatag naming tinutulungan ang ating kababayan na harapin ang kasong ito.
Mahalagang idiin na ito ay isang isolated na pangyayari at hindi sumasalamin sa pagkatao at kagandahang-asal ng milyun-milyong OFW na kinikilala sa buong mundo dahil sa kanilang malasakit, sipag, puso at propesyonalismo.
Tinitiyak ng DMW na sa oras ng tagumpay at sa oras ng pagsubok, kasama ninyo kami. Mananatili kaming kumikilos nang may malasakit, talino, at tapang—para sa katarungan at kapakanan ng bawat Pilipino saanman sa mundo.
Via Department Migrant Workers

Related Posts

What Can You Say About This?

Comments

Add Comment