BOC Inilunsad ang Libreng Door-to-Door Delivery ng Inabandonang Balikbayan Boxes ng OFWs

Disyembre 18, 2025 — Inilarga ng Bureau of Customs (BOC) ang libreng door-to-door delivery ng mga balikbayan boxes na inabandona ng ilang freight forwarding companies, matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pondo para sa agarang pamamahagi ng mga padala sa mga pamilya ng Overseas Filipino Workers (OFWs).

Ang inisyatibang ito ay bahagi ng Balikbayan and OFW Action Center (BOAC) — isang flagship program ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno — na nakatuon sa pagsugpo sa pang-aabuso at kapabayaan ng ilang freight forwarders at sa mabilisang pagresolba ng mga backlog na reklamo ng OFWs hinggil sa mga nawawala o naantalang balikbayan boxes.

Sa isinagawang inspeksyon at ceremonial distribution, personal na pinangunahan ni Commissioner Nepomuceno kasama ang iba pang opisyal ng BOC ang paglulunsad ng programa, na nagsisilbing konkretong hakbang upang maibalik ang tiwala ng mga OFW sa proseso ng pag-aangkat ng kanilang padala.

“Isa ito sa mga problemang agad nating tinutukan. Nauunawaan natin na bawat balikbayan box ay bunga ng pagsusumikap at sakripisyo ng ating mga OFW,” pahayag ni Commissioner Nepomuceno.

Ayon kay Deputy Commissioner Michael C. Fermin, Chairperson ng BOAC, mahigpit ang koordinasyon ng BOC sa Department of Finance, Department of Migrant Workers, at iba pang ahensya upang mapabilis ang distribusyon.

“Libre ang delivery. Walang dapat bayaran. At kung may sino mang maniningil ng anumang halaga, agad pong isumbong sa Bureau of Customs,” paalala ni Fermin.

Nagpahayag ng suporta si Pangulong Marcos Jr. at Finance Secretary Frederick Go sa programa, na anila’y naglalayong iparamdam na hindi napapabayaan ang kontribusyon at sakripisyo ng mga bagong bayani.

Pagpapasalamat mula sa OFW Community

Maraming OFW ang nagpahayag ng tuwa at ginhawa sa inilunsad na programa.

Isa na rito si Rachel Parfan, na matagal nang naghihintay sa mahigit sampung balikbayan boxes na ipinadala niya sa kanyang pamilya.

“Hindi namin akalain na mapapansin ang aming sitwasyon. Ang katiyakang hindi masasayang ang aming pinaghirapan ay napakalaking bagay,” aniya.

Mas Malawak na Layunin: Proteksyon at Pananagutan

Giit ng BOC, ang hakbang na ito ay hindi lamang agarang solusyon kundi bahagi ng pangmatagalang adbokasiya para:

  • protektahan ang karapatan ng OFWs,

  • panagutin ang mapang-abusong freight forwarders,

  • at tiyaking ligtas at maayos na nakararating ang kanilang padala.

Samantala, pinaalalahanan ng ahensya ang publiko na maging mas mapanuri sa pagpili ng freight forwarding companies upang maiwasan ang panibagong insidente ng pagkaantala at abandonment.

Related Posts

What Can You Say About This?

Comments

Add Comment