Dubai, UAE — Nakipagpulong si First Lady Marie Louise “Liza” Araneta Marcos sa mga lider ng Filipino Community (FilCom) at UAE Business Council sa ikalawang araw ng Bagong Bayani ng Mundo: OFW Serbisyo Caravan (Leg 3) nitong Enero 11, 2026, sa Conrad Hotel, Dubai.

Image from DMW
Layunin ng pagtitipon na palakasin ang ugnayan ng pamahalaan, pribadong sektor, at komunidad upang higit pang mapaunlad ang kapakanan, kabuhayan, at pangmatagalang oportunidad ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa United Arab Emirates.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Marwan Al Marri, Director for the Asian Region ng Dubai Chamber International, ang matatag na ekonomiya ng Dubai at ang patuloy na lumalawak na pakikipag-ugnayan nito sa Pilipinas. Ayon sa kanya, kasalukuyang inihahanda ang ika-28 kasunduan sa pagitan ng Dubai Chamber at ng Pilipinas, na inaasahang malalagdaan sa lalong madaling panahon, kasabay ng mga susunod pang pakikipag-ugnayan sa bansa.
Ibinahagi rin ni Al Marri na patuloy na nangunguna ang Dubai sa buong mundo pagdating sa foreign direct investment (FDI) projects, na nagpapatunay sa posisyon nito bilang pandaigdigang sentro ng negosyo at inobasyon.
Hinikayat naman niya ang mga Filipino leaders at OFWs na tingnan ang Dubai hindi lamang bilang destinasyon ng trabaho, kundi bilang gateway para sa paglago, skills transfer, at mas malawak na oportunidad. Binanggit din niya na kabilang ang Dubai sa mga nangungunang lungsod sa mundo pagdating sa work attractiveness, na nasa ikatlong puwesto sa global rankings.
Nagkaroon din ng mainit na meet-and-greet at dayalogo ang First Lady kasama ang mga FilCom leaders at miyembro ng UAE Business Council. Pinagtibay nito ang matibay na ugnayan ng mga Pilipino sa pamahalaan at pribadong sektor, na may iisang layunin na palakasin ang kakayahan ng OFWs sa pamamagitan ng kooperasyon, mas malawak na oportunidad, at inklusibong kaunlaran lampas sa hangganan ng bansa.





