Umabot na sa 80,000 overseas Filipino workers (OFWs) ang nakatanggap ng tulong-pinansiyal mula sa AKSYON Fund ng Department of Migrant Workers (DMW).
Ito ang ibinahagi ni DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac sa kanyang panayam sa programang Señor Balita ng DWAN 1206 AM. Aniya, naipagkaloob ang mga naturang tulong sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Bukod sa tulong-pinansiyal, nasa 14,000 OFWs na rin ang nabigyan ng legal assistance. May mga legal retainer ang DMW sa 25 bansa upang magbigay ng serbisyong legal sa mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.
Mahigit 3,000 OFWs naman ang nakatanggap ng medical assistance mula sa AKSYON Fund. Samantala, umabot sa 80,000 OFWs at kanilang mga kapamilya ang napaglingkuran ng OFW Hospital.
Binigyang-diin ni Cacdac ang kahalagahan ng AKSYON Fund sa pagbibigay ng agarang suporta sa mga migranteng manggagawa. Kamakailan ay itinaas ni Pangulong Marcos sa ₱3 bilyon ang pondo ng programa upang mas marami pang OFWs—ang mga tinaguriang Bagong Bayani—ang matulungan.





