OFW na Pinay, Pumanaw sa Kuwait Dahil Umano sa Heart Attack

Isang Pinay overseas Filipino worker (OFW) ang nasawi sa Kuwait matapos umanong atakihin sa puso habang nasa bahay ng kaniyang amo.

Kinilala ang biktima na si Dorothy Viloria, 41-anyos, na tubong Dagupan City, Pangasinan. Ayon sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, natagpuang walang malay si Viloria sa loob ng banyo ng bahay ng kaniyang amo.

Ayon sa kaniyang anak na si Lawrence, huli pa niyang nakausap ang ina noong Marso 1. Ngunit kinabukasan ay nakatanggap na sila ng masakit na balita na pumanaw na ito.

Nakita raw po nila sa CR nakahandusay na po. Wala na siyang malay. Dinala sa ospital pero hindi na umabot nang buhay,” ani Lawrence.

Batay sa impormasyong natanggap ng pamilya, sinabi umano ng doktor sa Kuwait na heart attack ang sanhi ng pagkamatay ng OFW.

Dagdag pa ng anak, may dati nang problema sa puso ang kaniyang ina na minsan na ring nabanggit nito sa kanila.

Ang sabi ng amo niya sa kanila, heart attack ang findings ng doktor. Nasabi sa amin ni Mama, may problema nga po talaga sa puso niya,” paliwanag niya.

Matagal nang nagtatrabaho sa Kuwait si Viloria at pabalik-balik na roon mula pa noong 2014 upang suportahan ang kaniyang pamilya. Huli siyang bumiyahe pabalik sa Kuwait noong Oktubre 2026.

Ulila na rin sa ama ang apat na magkakapatid kaya ngayon ay nananawagan sila ng tulong upang mapauwi sa Pilipinas ang labi ng kanilang ina.

Sobrang hirap po kasi. Sobrang bata pa ni Mama. Sana matulungan po kami sa pagpapauwi sa kaniya para makita pa namin ang katawan at mayakap pa namin siya,” emosyonal na pahayag ni Lawrence.

Samantala, ayon sa ulat, nakikipag-ugnayan na ang Department of Migrant Workers (DMW) sa pamilya upang ihanda ang mga kinakailangang dokumento para sa repatriation ng mga labi ni Viloria pabalik sa Pilipinas.

Source GMA News 

Related Posts

What Can You Say About This?

Comments

Add Comment