Iginiit ng Department of Migrant Workers (DMW) sa mga mambabatas na mahigpit na ipinagbabawal ang paghawak o pag-withhold ng passport ng mga overseas Filipino workers (OFWs), at ito ay itinuturing na paglabag sa kontrata ng kanilang employer.
Sa pagdinig ng House Committee on Foreign Affairs at Committee on Overseas Workers Affairs, tinanong ni Cavite Rep. Bryan Revilla kung paano tinutulungan ng pamahalaan ang mga OFW na nais makauwi ng Pilipinas ngunit hawak ng kanilang employer ang kanilang passport.
Ipinaliwanag ni DMW Undersecretary Jainal Rasul Jr. na aktibong nakikipag-ugnayan ang Philippine Migrant Workers Offices (MWOs) sa mga employer o recruitment agencies upang maibalik ang passport ng OFW. Aniya, malinaw na nakasaad sa kontrata na hindi dapat kinukuha o itinatago ng employer ang passport ng manggagawa.
Samantala, sinabi naman ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na ang mga labor attaché ay nakikipagtulungan din sa mga employer at sa pamahalaan ng host country upang maresolba ang mga ganitong kaso.
Ayon sa kalihim, may ilang OFWs ang lumalapit sa pamahalaan para humingi ng tulong na makauwi ng Pilipinas dahil hawak ng kanilang employer ang kanilang passport. Mayroon ding mga kaso kung saan expired na ang passport ng manggagawa, kaya’t ang mga ito ay nire-refer sa Department of Foreign Affairs (DFA) para sa kaukulang aksyon.
Dagdag pa ni Cacdac, isa sa mga hamon sa repatriation ng OFWs ay ang mga may kinakaharap na immigration cases o records sa host country. Bilang halimbawa, binanggit niya ang sitwasyon sa Kuwait kung saan tinutulungan ng pamahalaan ang humigit-kumulang 50 Pilipino na may mga immigration record upang maayos ang kanilang kaso at makauwi sa Pilipinas.
Patuloy namang pinapaalalahanan ng DMW ang mga OFW na agad na humingi ng tulong sa mga Philippine Migrant Workers Offices o sa embahada kung sila ay nakakaranas ng ganitong problema.





