Pamilya ng OFW na nasawi sa Saudi Arabia, humihiling ng masusing imbestigasyon at agarang repatriation ng labi

Nanawagan ang pamilya ng isang overseas Filipino worker (OFW) na nasawi sa Saudi Arabia sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan upang mabigyan ng masusing imbestigasyon ang sinasabing kahina-hinalang pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay at mapauwi sa Pilipinas ang kanyang mga labi.

Ayon sa anak ng biktima na si Jewel, nakatanggap siya ng tawag noong Hunyo 23 mula sa kasama ng kanyang ina sa apartment sa Saudi Arabia na nagbalitang pumanaw na umano ang kanyang ina. Aniya, hiniling niyang makita ang kanyang ina sa pamamagitan ng video call upang makumpirma ang balita.

Sa video call, sinabi ni Jewel na nakita niya ang kanyang ina na nakahiga sa kama at nakabalot ng kumot mula ulo hanggang paa. Ikinuwento rin niyang sinabi sa kanya na may mga pulis umano sa lugar, ngunit ayon sa kanyang obserbasyon ay wala siyang narinig o nakitang anumang indikasyon ng presensya ng mga awtoridad habang isinasagawa ang video call.

Dahil dito, sinabi ng pamilya na mayroon silang mga katanungan tungkol sa mga pangyayari bago natagpuang wala nang buhay ang OFW. Hinihiling nila na magkaroon ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang tunay na sanhi ng kanyang pagkamatay.

Bukod sa paghahanap ng kasagutan, labis ding dinaramdam ng pamilya ang hindi pa pag-uwi ng labi ng kanilang mahal sa buhay. Ayon sa ina ng biktima, umaasa silang maiuuwi sa lalong madaling panahon ang kanyang anak upang mabigyan ito ng maayos na burol at huling pamamaalam sa Pilipinas.

Nanawagan din ang pamilya sa mga ahensya ng pamahalaan, kabilang ang OWWA, mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa Saudi Arabia, at iba pang mga opisyal ng gobyerno, na tulungan silang mapabilis ang repatriation ng labi at matiyak na magkakaroon ng patas at masusing imbestigasyon sa insidente.

Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag mula sa mga awtoridad sa Saudi Arabia hinggil sa eksaktong sanhi ng pagkamatay ng OFW, at hinihintay pa ng pamilya ang resulta ng imbestigasyon.

Panoorin ang bidyo.

Related Posts

What Can You Say About This?

Comments

Add Comment