CEBU CITY – Mas pinalawak pa ng pamahalaan ang serbisyo para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa pagbubukas ng ikatlong International OFW Lounge sa Mactan-Cebu International Airport sa ilalim ng programang Alagang OWWA.
Ang bagong pasilidad ay bunga ng pagtutulungan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Migrant Workers (DMW), at Aboitiz InfraCapital Cebu Airport Corporation. Ito ang ikatlong OFW Lounge sa bansa kasunod ng matagumpay na pagbubukas ng mga lounge sa NAIA Terminal 1 at Terminal 3.
Ayon sa OWWA, layunin ng proyekto na mabigyan ang mga OFW ng ligtas, komportable, at maayos na lugar habang naghihintay ng kanilang biyahe patungong ibang bansa. Bahagi rin ito ng patuloy na pagsisikap ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palawakin ang serbisyo at social protection para sa mga migranteng manggagawang Pilipino.
May kapasidad ang lounge na tumanggap ng hanggang 80 katao at nag-aalok ng libreng pagkain at inumin, Wi-Fi, charging stations, komportableng pahingahan, at assistance desks para sa mga OFW-related concerns. Nagsisilbi rin itong one-stop center para sa iba’t ibang frontline services ng OWWA, kabilang ang OWWA E-Card issuance at iba pang welfare at social protection services.
Kasabay ng pagbubukas ng lounge, inilunsad din ang DMW OFW Facilitation Center sa arrival area ng paliparan upang mas mapalapit ang mahahalagang serbisyo ng pamahalaan sa mga OFW.
Isa rin sa mga bagong benepisyo para sa aktibong OWWA E-Card holders ang pagkakaloob ng exclusive discounts sa piling establisimyento sa loob ng paliparan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng OWWA sa SSP Mactan Cebu. Kabilang sa mga kalahok na establisimyento ang Burger King, Ritazza, Asian Kitchen, Nippon Ramen, The Coffee Bean & Tea Leaf, BonChon, at Cabin Kitchen + Bar.
Nagpasalamat ang OWWA sa Aboitiz InfraCapital Cebu Airport Corporation, SSP Mactan Cebu, at iba pang katuwang sa pagsasakatuparan ng proyekto. Inihayag din nito na ang susunod na International OFW Lounge ay itatayo sa Clark International Airport bilang bahagi ng patuloy na pagpapalawak ng programang Alagang OWWA para sa kapakanan ng mga makabagong bayani ng bansa.





