Isinusulong ni Senador Robin Padilla ang panukalang alisin ang Senior High School (SHS) sa ilalim ng K to 12 program at ibalik ang dating sistema ng basic education sa bansa.
Sa kanyang mungkahing amyendahan ang Republic Act No. 10533 o ang Enhanced Basic Education Act of 2013, nais ni Padilla na ibalik ang istruktura ng edukasyon sa kindergarten, anim na taon ng elementarya, at apat na taon ng high school.
Ayon sa senador, bagama’t layunin ng K to 12 program na mapabuti ang kalidad ng edukasyon at gawing globally competitive ang mga estudyante, naging dagdag na pasanin umano ito sa maraming pamilyang Pilipino.
“We cannot deny that many Filipino families are struggling to afford the extra two years of schooling,” ani Padilla.
Binanggit din niya ang umano’y pagtaas ng bilang ng mga estudyanteng hindi na nakakapagtapos dahil sa dagdag na dalawang taon sa pag-aaral.
“If the result of the system is that more youth are forced to drop out, we need to think about whether this is really the right direction,” dagdag pa niya.
Iginiit din ni Padilla na hindi pa rin sapat ang kasalukuyang SHS curriculum upang tunay na maihanda ang mga estudyante para sa trabaho o kolehiyo.
Samantala, nauna nang nagpahayag ng concern ang Contact Center Association of the Philippines o CCAP tungkol sa kakulangan umano sa kahandaan ng ilang SHS graduates para sa BPO industry. Ayon sa grupo, kinakailangan pang i-update ang curriculum lalo na sa harap ng mabilis na pag-usbong ng artificial intelligence o AI.
Umani naman ng iba’t ibang reaksyon online ang panukala ng senador. May ilang sumusuporta sa pagtanggal ng SHS dahil sa dagdag gastos at hirap sa mga magulang, habang may ilan namang naniniwalang dapat ay ayusin lamang ang implementasyon ng K to 12 at hindi tuluyang alisin ito.
Sa kasalukuyan, patuloy pa ring pinagdedebatehan ng iba’t ibang sektor kung epektibo nga ba ang K to 12 program sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon at paghahanda sa kabataang Pilipino para sa trabaho at mas mataas na antas ng pag-aaral.





