Mas mapapadali na para sa mga overseas Filipino worker (OFW) ang paghahanda para sa kanilang pagbabalik at muling pagsisimula sa Pilipinas sa pamamagitan ng OWWA Reintegration Profile.
Hinihikayat ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga OFW na gumawa ng kanilang reintegration profile kahit hindi pa sila nakakauwi ng bansa. Layunin nitong matukoy ang kanilang mga pangangailangan at maiugnay sila sa mga programa at serbisyong maaaring makatulong sa kanilang pagbabalik.
Tatlong simpleng hakbang lamang ang kailangang gawin: gumawa ng account, kumpletuhin ang personal na profile, at alamin ang mga programang maaaring angkop sa kanilang kalagayan at plano.
Sa pamamagitan ng nasabing profile, maaaring maiugnay ang isang OFW sa posibleng suporta para sa kabuhayan at pagnenegosyo, skills training at upskilling, trabaho at employment referrals, at iba pang reintegration services mula sa OWWA at mga katuwang nitong ahensya.
Mahalaga ang maagang pagpaplano, lalo na para sa mga OFW na nais magnegosyo, humanap ng trabaho, matuto ng bagong kasanayan, o magkaroon ng ibang mapagkukunan ng kita sa kanilang permanenteng pagbabalik sa bansa.
Gayunman, nilinaw na ang paggawa ng OWWA Reintegration Profile ay hindi awtomatikong nangangahulugan na maaaprubahan o makatatanggap agad ng benepisyo ang isang aplikante. Ang bawat programa ay may kaukulang assessment, qualifications, guidelines, at availability na kailangang matugunan.
Hindi na kailangang hintayin ng mga OFW ang mismong araw ng kanilang pag-uwi bago maghanda para sa susunod na yugto ng kanilang buhay. Maaari na nilang simulan ang paggawa ng profile sa reintegration.owwa.gov.ph.
Para sa iba pang impormasyon at katanungan, maaaring tumawag sa OWWA Hotline 1348.
Sa pagbabalik, pagbangon, at panibagong simula ng mga OFW, layunin ng OWWA na maging katuwang nila sa paghahanda para sa mas maayos na buhay sa Pilipinas.





