Sen. Raffy Tulfo, kinilalang inspirasyon ang mga OFW; nanindigang patuloy na isusulong ang kanilang kapakanan
Nagbigay ng mensahe ng pagkilala at suporta si Senador Rafael “Raffy” Tulfo para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa ginanap na OFW Global Summit 2026 noong June 7, 2026.
Sa kanyang recorded video message na ipinalabas sa summit, pinuri ni Sen. Tulfo ang sakripisyo, dedikasyon, at malaking ambag ng mga OFW hindi lamang sa kanilang pamilya kundi maging sa ekonomiya ng bansa.
Ayon sa senador, patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa kanya ang mga OFW upang mas pagbutihin ang kanyang tungkulin bilang lingkod-bayan.
“Dahil sa inyong dedikasyon at sakripisyo, tuluyang umaangat ang inyong mga pamilya, at kasama diyan ang ating ekonomiya. Kayo po ang number one inspirasyon ko upang magampanan ang aking tungkulin bilang senador,” pahayag ni Sen. Tulfo.
Tiniyak din niya na magpapatuloy ang kanyang pagsusulong ng mga programang magbibigay proteksyon, kalinga, at mas maayos na serbisyo para sa lahat ng OFWs, maging sila man ay land-based o sea-based workers.
“Patuloy ko pong isusulong ang mga batas na magbibigay proteksyon at kalinga sa lahat ng OFWs. Ang aking programa’t opisina ay nananatiling bukas upang tugunan ang inyong mga hinaing at handang tumulong anumang oras,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din ng senador ang pakikipagtulungan ng kanyang tanggapan sa Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at iba pang ahensya ng gobyerno upang mas mapalakas ang suporta para sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.
Ang OFW Global Summit 2026 ay bahagi ng patuloy na programa ng pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang kilalanin ang mahalagang kontribusyon ng mga OFW at masiguro na naririnig ang kanilang boses sa paggawa ng mga polisiya at programang may direktang epekto sa kanilang sektor.
Patuloy namang umaasa ang maraming OFW na lalo pang mapapalawak ang mga programang magbibigay seguridad, proteksyon, at mas magandang kinabukasan para sa kanila at kanilang pamilya.





