MANILA – Naglaan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng karagdagang P3 bilyon upang palakasin ang repatriation at reintegration program ng Department of Migrant Workers (DMW) para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng nagpapatuloy na sigalot sa Middle East.
Ayon kay Ralph Recto, gagamitin ang dagdag na pondo upang tustusan ang buong proseso ng repatriation—mula sa post-departure assistance, pagbili ng airline tickets, hanggang sa reintegration ng mga umuwing OFW.
“War or not, there are Filipinos in extreme distress that we should bring home,” ani Recto sa isang pahayag noong Linggo.
Batay sa datos hanggang Hunyo 17, ligtas nang nakauwi sa Pilipinas ang 10,446 Pilipino mula sa Middle East. Kabilang dito ang 8,281 OFWs, 1,803 dependents, at 362 stranded citizens.
Sinabi ni Recto na nais ni Pangulong Marcos na higit pa sa simpleng pag-uwi sa bansa ang matanggap na tulong ng mga OFW.
“Ang utos niya ay hindi pwedeng paglapag dito, bahala na kayo. Ang gusto ng Pangulo, may hatid sa probinsya sa lubhang nangangailangan, at higit sa lahat, may economic opportunities,” aniya.
Sa pagdating ng mga repatriated OFWs, maaari nilang ma-avail ang standard welcome package na kinabibilangan ng financial assistance, psychosocial counseling, medical assessment, reemployment guidance, at livelihood support.
Upang mapabilis ang kanilang pagbabalik sa trabaho, nagsagawa na ang DMW ng 15 Bayanihan Para sa Balikbayang Manggagawa: National Reintegration Network and Job Fairs sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Layunin nitong ikonekta ang mga OFW sa lokal at overseas employment opportunities, livelihood programs, at financial literacy training.
Samantala, sa ilalim ng Balik-Pinas! Balik-Hanapbuhay! Program, nakapagbigay na ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng livelihood assistance sa 664 OFWs na kamakailan lamang ay nakabalik ng bansa.
Ang bawat kwalipikadong OFW ay maaaring makatanggap ng hanggang P20,000 bilang panimulang puhunan para sa maliit na negosyo.
Para naman sa mga gurong OFW na umuwi sa bansa, sinabi ni Recto na lumikha ang Department of Education ng isang espesyal na hiring pathway na magbibigay sa kanila ng pagkakataong makapagturo sa mga pampublikong paaralan.
Ayon sa pamahalaan, bahagi ito ng mas malawak na layunin na matiyak na ang mga OFW na naapektuhan ng krisis sa Middle East ay hindi lamang ligtas na makauuwi kundi magkakaroon din ng sapat na suporta upang muling makapagsimula ng kabuhayan sa Pilipinas.





