Ipinaliwanag ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang pagpapatupad ng 6-hour policy sa mga OFW Lounge upang mas maraming overseas Filipino workers (OFWs) ang makinabang sa serbisyo nito.
Ayon kay Patricia Yvonne Caunan, humigit-kumulang 4,000 hanggang 6,000 OFWs ang umaalis ng bansa araw-araw. Gayunman, limitado lamang ang kapasidad ng mga OFW Lounge—216 katao sa NAIA Terminal 3 at 140 katao sa Terminal 1.
Dahil dito, kinakailangang limitahan sa anim na oras ang pananatili ng mga OFW sa lounge. Ayon kay Caunan, may mga pagkakataong napupuno ang pasilidad dahil may ilang OFW na dumarating nang mahigit 12 oras bago ang kanilang flight, habang ang iba naman ay pumupunta pa rito isa hanggang dalawang araw bago ang kanilang nakatakdang pag-alis.
Bunsod nito, may mga OFW na malapit nang bumiyahe ang hindi na nakagagamit ng lounge dahil puno na ang pasilidad.
Binigyang-diin ni Caunan na ang 6-hour policy ay ipinatutupad upang maging patas sa lahat at upang mas maraming OFW ang magkaroon ng pagkakataong magamit at mapakinabangan ang mga serbisyo ng OFW Lounge.





