Magandang balita para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang pamilya matapos ilunsad ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pamamagitan ng Small Business Corporation (SB Corp) ang OFW Negosyo Fund, isang financing program na layong tulungan ang mga OFW na makapagsimula o makapagpalago ng sariling negosyo sa Pilipinas.

Image from OWWA
Sa ilalim ng programa, maaaring makahiram ang isang kwalipikadong OFW ng hanggang P20 milyon na puhunan para sa negosyo. Ayon sa DTI-SB Corp, hanggang P5 milyon sa loan amount ay maaaring ma-avail kahit walang kinakailangang collateral, isang natatanging benepisyo na inaalok ng SB Corp para sa mga OFW beneficiaries.
Layunin ng OFW Negosyo Fund na mabigyan ng mas matatag na kabuhayan ang mga OFW at kanilang pamilya, lalo na ang mga nais nang mag-negosyo bilang paghahanda sa kanilang pag-uwi at permanenteng paninirahan sa Pilipinas.
Ayon sa DTI, madali lamang ang proseso ng aplikasyon. Kinakailangan lamang kumpletuhin ang basic requirements at mag-apply gamit ang DTI SB Corp Money App na maaaring i-download sa Google Play at Huawei AppGallery. Maaari rin itong ma-access sa pamamagitan ng official web app ng SB Corp.
Madali lamang ang proseso ng pag-aapply:
1. Kumpletuhin ang basic requirements;
2. I-download ang DTI SB Corp Money App sa Google Play o Huawei AppGallery, o bisitahin ang web app sa app.sbcorp.ph
Hinikayat naman ng ahensya ang mga OFW na samantalahin ang oportunidad upang makabuo ng pangmatagalang pagkakakitaan at masigurado ang mas magandang kinabukasan para sa kanilang pamilya.
Para sa mga interesadong mag-apply, maaaring bisitahin ang official website at online platforms ng SB Corp para sa kumpletong detalye ng programa.





