Ipinagdiwang ngayong araw ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA ang ika-10 taong anibersaryo ng Republic Act No. 10801 o ang OWWA Act sa pamamagitan ng paglulunsad ng tatlong mahahalagang programa na nakatuon sa pagpapalawak ng oportunidad, kaalaman, at kabuhayan para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Kasabay ng paggunita sa mahalagang okasyon, nilagdaan ni Patricia Yvonne M. Caunan, OWWA Administrator, ang tatlong Memorandum of Instructions (MOI) para sa mga programang magbibigay ng dagdag na suporta sa mga OFW at kanilang pamilya.
Kabilang sa mga inilunsad na programa ang:
- Skills Training and Employability Promotion and Upskilling (STEP UP) Program
- STEP UP Program Education Component: Lifelong Learning Education Assistance Program for Overseas Filipino Workers (LEAP-OFWs)
- Supplemental Guidelines on MOI No. 008, S. 2026 o ang Amendments to the Implementing Guidelines on the Balik-Pinas, Balik-Hanapbuhay (BPBH) Program
Ayon sa OWWA, layunin ng mga programang ito na palakasin ang kakayahan ng mga OFW sa pamamagitan ng skills training, educational assistance, at livelihood opportunities upang maging handa sila sa mas maayos na kinabukasan lalo na sa kanilang muling pagbabalik sa bansa.
Ang mga programa ay bahagi ng mas pinaigting na reintegration programs ng OWWA sa ilalim ng National Reintegration Network framework ng pamahalaan na nakatuon sa “Kalinga, Kaalaman, at Kabuhayan.”
Sinabi rin ng ahensya na ang mga hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Ferdinand Marcos Jr. upang matiyak na may sapat na mekanismo at oportunidad ang mga OFW para mapaunlad ang kanilang kaalaman at maitaguyod ang kanilang kabuhayan kasama ang kanilang pamilya at komunidad.
Sa loob ng sampung taon ng pagpapatupad ng OWWA Act, patuloy na pinagtitibay ng OWWA ang kanilang mandato bilang katuwang at kaagapay ng gobyerno sa pagbibigay ng tulong at serbisyo sa mga OFW saan mang panig ng mundo.
“Alagang OWWA, Serbisyong May Puso” — ito ang patuloy na ipinapamalas ng ahensya sa loob ng isang dekada ng pag-aaruga, pagtulong, at pag-agapay sa mga modernong bayani at kanilang pamilya.





